-- Advertisements --

Umabot na sa 58.4% o mahigit 2,531.09 cubic meters ng basura sa mga drainage sa Metro Manila ang sumailalim sa declogging mula noong sinimulan ang Oplan Kontra Baha hanggang ngayong ikatlong linggo ng Disyembre.

Ito ay sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ng mga District Engineering Office sa buong capital region kung saan nililinis ang mga estero at lahat ng mga daluyan ng tubig.

Umabot na rin sa 6,958.24 cubic meter ng mga basura ang natanggal sa mga daluyan ng tubig sa iba’t-ibang lugar sa capital region.

Kabilang sa mga aktibidad na nakapaloob sa Oplan Kontra Baha ay ang pag-alis sa mga debris, putik, at lahat ng mga bagay na nakakasagabal sa pagdaloy ng tubig, declogging sa mga drainage, at mano-manong pag-aayos sa mga kanal na ang ilan ay napuno na ng iba’t-ibang mga basura.

Batay pa sa datus na inilabas ng DPWH, ang west quadrant ng Metro Manila ang may pinakamataas na nairehistrong accomplishment. Ito ay kinabibilangan ng mga Lungsod ng Maynila, Navotas, at Malabon.

Unang inilunsad ang naturang programa bilang tugon sa taunang pagbaha na nararanasan ng bansa, lalo na sa Metro Manila na labis na nalulubog sa tubig, kapag naranasan ang matitinding pag-ulan.

Ayon sa DPWH, ginagawa ang mga naturang operasyon sa kabuuang 79 na lokasyon sa buong capital region.