Ipinag-utos ng Court of Appeals ang pag-alis kay dating Negros Oriental Governor Henry Pryde Teves mula sa resolution ng Anti-Terrorism Council na nag-uri sa kaniya bilang terorista.
Sa desisyon ng korte, napag-alaman at nagpasyang umakto nang may “grave abuse of discretion” ang ATC kasama ang Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa pag-isyu ng mga resolusyon na nag-uri kay Teves bilang terorista nang walang probable cause at kalabisan sa pagpapatupad ng batas laban sa terorismo.
Gayundin, sinabi ng korte na hindi makatarungan ang pag-freeze ng mga asset ni Henry Teves.
Binalikan ng CA ang iprinisenta ng dalawang konseho na mga testigo na nagsasabing sangkot si Henry Teves sa umano’y pagsasagawa ng ilang krimen gaya ng mga pagpatay, pagtatangkang pagpatay, pagbabanta at harassments.
Subalit, ayon sa korte wala ni isa sa mga iprinisentang testigo ang may anumang personal na kaalaman na si Teves ang utak o nag-utos sa naturang mga krimen.
Lahat aniya ng mga testigo ay mayroon lamang suspetsa, na base sa kanilang palagay na ang mga biktima ay karibal sa pulitika ni Teves, supporter ng kalaban sa pulitika o kritiko gayudin ang mga indibidwal na hindi sumusunod sa demand ni Teves para makakuha o makahuthot ng pera.
Ayon pa sa CA, maaaring resonable ang pagsuspendi kay Teves para sa ibang krimen subalit hindi sa paraang iniuri siya bilang terorista.
Una rito, sa ilalim ng ATC Resolution Number 43 na inaprubahan noong Hulyo 26, 2023, ti-nag ng konseho si Henry Teves kasama ang kaniyang kapatid na si dating Negros Oriental Congressman Arnie Teves at 11 iba pa bilang mga terorista dahil sa umano’y paglabag sa ilang probisyon ng Anti-Terrorism Act.
















