-- Advertisements --

Hinikayat ni Solicitor General Darlene Berberabe ang bagong Bar passers ng University of the Philippines College of Law na maglingkod sa gobyerno upang tumulong sa patuloy na laban para sa pagpapanagot at pagbawi ng mga pondong umano’y ninakaw kaugnay ng flood control corruption scandal.

Sa kanyang testimonial, binati ni Berberabe, na nagsilbi bilang dating dean ng UP Law, ang mga bagong abogado at hinamon silang isabuhay ang adhikain ng paaralan na “honor, excellence, and service to the nation,” kahit pa may hamon tulad ng mas mababang sahod sa public sector.

Ibinunyag din niya na bukas ang Office of the Solicitor General sa pagkuha ng mga batang abogado.

Sa ngayon, ang OSG ang counsel ng Anti-Money Laundering Council sa pag-secure ng freeze orders laban sa mga ari-arian ng mga opisyal at kontratistang sangkot umano sa anomalya sa flood control projects.

Noong Setyembre 16, 2025, inaprubahan ng Court of Appeals ang freeze order sa mahigit isang daang bank accounts at insurance policies, na may kabuuang halagang umaabot na sa ₱20.3 bilyon, na maaari nang isailalim sa civil forfeiture upang maibalik sa taumbayan ang mga pondo.