Kinumpirma ng resident volcanologist ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) – Kanlaon Volcano Observatory na nagkaroon ng tatlong ash emission sa Bulkan Kanlaon kahapon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Daryl Aro, nangyari ang unang ash emission alas-9:20 ng umaga at natapos alas-9:38 ng umaga; ang pangalawa ay naganap alas-10:29 ng umaga hanggang alas-11:07 ng umaga, habang ang pangatlo ang siyang pinakamatagal na nagsimula alas-4:05 ng hapon at nagtapos alas-6:02 ng gabi.
Ayon kay Aro, tinatayang umabot sa 300 hanggang 900 metro ang taas ng abong ibinuga ng bulkan, na kumalat sa hilagang-kanlurang direksyon.
Patuloy ang koordinasyon ng PHIVOLCS sa mga karatig-bayan at lungsod upang malaman kung may naitalang ashfall.
Ayon sa kanila, ang sunod-sunod na ash emissions ay dulot ng matagal na pagpapahinga ng bulkan, kung saan naipon ang sapat na pressure sa loob at ito ang ibinuga.
Nananatili sa Alert Level 2 ang Bulkan Kanlaon, at mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometrong Permanent Danger Zone ng nasabing bulkan.















