Inaprubahan ng House of Representatives nitong Lunes sa ikatlo at huling
pagbasa ang 12 panukalang batas na prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC) bago suspendihin ang sesyon para sa Christmas break.
Kabilang sa mga inaprubahan ang Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) Bill, National Reintegration Bill para sa mga OFW, at ang National Center for Geriatric Health Bill para sa mas maayos na serbisyong medikal ng mga nakatatanda.
Pinagtibay rin ng Kamara ang mga panukalang may kinalaman sa edukasyon, kabilang ang mga amyenda sa Government Assistance to Students and Teachers in Private Education Act at Teachers Professionalization Act.
Ilan pa sa mga ipinasa ang Blue Economy Act, pagpapalakas sa Energy Regulatory Commission, waste-to-energy bill, pagtatatag ng Department of Water Resources, amyenda sa National Building Code at Bank Secrecy Law, pati ang extension ng estate tax amnesty.
Hinimok ni Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga mambabatas na ipagpatuloy ang tapat na paglilingkod sa taumbayan at pasalamatan ang lahat ng katuwang sa paggawa ng mga batas.










