-- Advertisements --

Inilahad ni F/INSP. Keith Wilmer Bolinget, Acting Municipal Fire Marshal ng BFP-Tuba, ang kanilang pagresponde sa insidente ng umano’y pagkahulog ni dating DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral sa Kennon Road, Tuba, Benguet.

Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Baguio sa BFP official, natagpuan si Cabral sa Bued River, mahigit 20 metro mula sa kalsada, matapos iulat ng kanyang driver na iniwan niya itong mag-isa bago mawala.

Agad rumesponde ang mga tauhan ng BFP-Tuba kasama ang pulisya at iba pang emergency units upang maisagawa ang retrieval operation.

Kinumpirma ng mga awtoridad na idineklarang patay si Cabral noong madaling araw ng Disyembre 19, 2025.

Bago ang kanyang pagkamatay, iniimbestigahan siya kaugnay ng umano’y iregularidad sa ilang flood control projects ng DPWH.

Ang insidente ay nagdulot ng masusing imbestigasyon at muling nagbukas ng usapin hinggil sa integridad ng ebidensya at chain of custody sa mga kasong may kinalaman sa mga opisyal ng gobyerno.