-- Advertisements --

Isiniwalat ni Batangas 1st District Representative Leandro Leviste na mayroong database ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa mga “proponent” o nasa likod ng bilyun-bilyong halaga ng insertions sa 2025 at 2026 National Expenditure Program (NEP).

Kaugnay nito, sa isang statement, hinamon ng mambabatas ang kagawaran na ilabas ang database ng mga proponent kung talagang tunay nitong isinusulong ang transparency at reporma.

Ayon sa mambabatas, mayroong ₱721.83 billion insertions sa ilalim ng pambansang pondo ngayong 2025 habang nasa ₱496.97 billion naman ang insertions sa ilalim ng panukalang batas para sa susunod na taon.

Saad ni Leviste, hindi niya kayang panoorin ang ahensiya na sinasabing para ito sa transparency nang hindi ito inilalahad.

Kung kayat, hinimok ng mambabatas ang DPWH na aminin na mayroon silang itinatago at kargado ang panukalang pondo sa 2026 ng insertions sa susunod na press conference ng kagawaran.

Giit ni Cong. Leviste na maaaring nag-aatubili ang ahensiya na ilabas ang buong datos dahil naglalaman ito ng mga proyektong ipinanukala hindi lamang ng mga kongresista at Senador kundi maging ng mga kasalukuyang Cabinet Secretaries, Undersecretaries at iba pa.

Paglilinaw ng Batangas lawmaker na maaaring puno ng insertions ang NEP ng DPWH, na mapapatunayan ng kanilang internal files, na ang mga proyektong mula umano sa planning engineers ng ahensiya ay inirekomenda ng mga pulitiko o kontraktor. Kapareho umano ito ng Bicam insertions subalit nakatago.

Unang idinulog ni Leviste ang naturang concerns matapos magtungo sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong Nobiyembre 18 kung saan tinalakay ang files na kaniyang nakuha mula sa opisina ni dating DPWH USec. Catalina Cabral na nagdedetalye sa mga listahan ng mga proponent sa panukalang pondo para sa 2026.

Subalit ayon kay Leviste, sinabi sa kaniya ng ICI na hindi ibinigay ng DPWH ang naturang files o anumang listahan ng mga proponent at i-kinordon ang opisina ni Cabral ng kanila itong unang bisitahin noong Setyembre 2025.

Samantala, hinihiling din ni Cong. Leviste mula sa DPWH ang listahan ng Non-Allocable o tinatawag na “Leadership Fund” projects sa 2026 budget, na hindi pa inilalabas ng ahensiya.

“The DPWH has an Allocable budget set at ₱401.35 Billion for 254 congressional districts, which the District Congressman can amend. The rest has been called “Non-Allocable”, or “Outside Allocable”, and this includes “Leadership Fund” and other parking of funds. In DPWH’s 2025 NEP, this was around ₱320 Billion, and in 2026 was around ₱95 Billion. Full disclosure by the DPWH now on where they allocated these funds will help confirm that DPWH is no longer selling budgets to contractors today,” saad ni Leviste.