-- Advertisements --

Ibinunyag ng abogado ni Ramil Madriaga, na itinuturong umano’y “bagman” ni Vice President Sara Duterte, na dalawang beses umanong binisita ng bise presidente si Madriaga sa loob ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Annex 2, kung saan inalok umano siyang tulungan sa pamamagitan ng pakikipag-usap sa isang hukom kaugnay ng kasong kidnapping na kinahaharap niya.

Ayon kay Atty. Raymund Palad, base ang impormasyong ito sa isang liham ni Madriaga at sa iba pang pinagkukunan na umano’y nagkumpirma ng mga pagbisita.

Gayunman, nang tanungin kung may CCTV footage o logbook na magpapatunay sa mga ito, sinabi ni Palad na mas mainam umanong ang BJMP ang tanungin ukol dito.

Sa isang liham na ipinadala ni Madriaga sa kanyang abogado, sinabi nito na dalawang beses umanong nagtungo ang bise presidente sa kulungan, kabilang ang isang pagbisitang naganap nang dis-oras ng gabi. Dagdag pa niya, ilan sa mga kasamang bumisita ay mga tauhan umano ni Duterte.

Nauna nang magsumite si Madriaga ng isang notarized affidavit sa Office of the Ombudsman kung saan iginiit niyang nagsagawa siya ng malalaking cash deliveries para kay Duterte. Ayon pa sa kanya, pinondohan umano ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at mga drug lord ang isang pambansang kampanya para sa bise presidente.

Samantala, sinabi ng Office of the Vice President (OVP) na nasagot na ang mga isyung may kaugnayan sa affidavit ni Madriaga sa isang pahayag na inilabas noong Disyembre 13. (Report by Bombo Jai)