Pinaigting pa ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) ang kampanya laban sa mga pasaway na local government units (LGUs) matapos nitong kasuhan sa Office of the Ombudsman ang 117 na lokal na pamahalaan dahil sa umano’y hindi pagpapatupad ng electronic Business One-Stop Shop o eBOSS.
Ayon kay ARTA Secretary Ernesto Perez, asahan na ang mga karagdagang kaso sa susunod na buwan laban sa iba pang non compliant na LGUs matapos ang kanilang isinagawang inspeksyon.
Tumanggi muna ang kalihim na tukuyin kung may mga LGU sa National Capital Region na kabilang sa mga kinasuhan.
Bukod sa eBOSS, iniimbestigahan din ng ahensya ang 11 LGUs na lumabag umano sa Executive Order No. 41 dahil sa patuloy na pangongolekta ng pass-through fees sa mga national roads.
Matatandaang sinampahan na rin ng reklamong grave misconduct ng ARTA ang alkalde ng Meycauayan City sa Bulacan kaugnay ng isyung ito at hinihiling ang kanyang preventive suspension.
Samantala, kinilala rin ng ARTA ang mga LGUs na sumusunod sa batas at tiniyak ang patuloy na pagsasanay sa gobyerno para sa paggamit ng mga digital tools.
















