-- Advertisements --

Ipinagmalaki ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III na nakapagtapos ang Kamara ng isang pambansang badyet na maaaring pagkatiwalaan ng taumbayan, na aniya’y walang insertions, hindi minadali, at isinagawa sa ilalim ng isang bukas at transparent na proseso.

Ayon kay Dy, makasaysayan ang panukalang badyet hindi lamang dahil sa malinaw na proseso kundi dahil sa tiyak na mga prayoridad nito. Aniya, ang badyet ay hinubog ng pagmamahal sa bayan, malalim na pag-unawa sa kalagayan ng mamamayan, at tunay na malasakit sa mga Pilipino.

Binigyang-diin ng Speaker na naghatid ang bersyon ng Kamara ng kongkretong benepisyo para sa mga Pilipino, partikular sa edukasyon, kalusugan, at agrikultura.

Sa sektor ng edukasyon, sinabi ni Dy na nakatanggap ito ng pinakamalaking pondo sa kasaysayan ng bansa, katumbas ng 4.1 porsiyento ng gross domestic product. Mahigit 25,000 silid-aralan ang itatayo o isasaayos, at ganap ding naibalik ang pondo para sa Universal Access to Quality Tertiary Education Program.

Para naman sa kalusugan, palalakasin ng badyet ang PhilHealth at ang Medical Assistance to Individuals and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) upang suportahan ang zero-balance billing para sa mahihirap na pasyente sa mga pampublikong ospital.

Tumaas din ang pondo para sa agrikultura, na nakatuon sa tulong sa mga magsasaka at mangingisda sa pamamagitan ng farm-to-market roads, irigasyon, mekanisasyon, crop insurance, at subsidiya.

Ayon kay Dy, ang badyet ay hindi lamang koleksyon ng mga numero kundi tumutumbas sa pagkain sa hapag, gamot sa ospital, at edukasyong magbubukas ng pinto sa mas maliwanag na kinabukasan.

Inaasahang muling magpupulong ang Kamara sa Disyembre 29 upang ratipikahan ang ulat ng bicameral conference committee, ang huling hakbang bago tuluyang mapirmahan ang badyet bilang batas ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.