-- Advertisements --

Kinuwestyun ni Cardinal Pablo Virgilio David ang patuloy na pamamayagpag ng patronage-based items sa pambansang pondo ng Pilipinas.

Inihalimbawa ng Cardinal ang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients Program (MAIFIP) ng Department of Health (DOH).

Aniya, ang DOH ang totoong implementor ng naturang programa sa pamamagitan ng mga local government-owned hospital sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.

Ang masaklap lamang aniya ay mahirap maka-avail o makakuha ng tulong ang mga Pilipino sa ilalim ng naturang programa kung walang guarantee letter mula sa mga pulitiko.

Giit ni David, hindi na kailangang pumila sa mga pulitiko ang mga mamamayan para magpalimos ng guarantee letter at makakuha ng serbisyo ng gobiyerno. Hindi lamang aniya para sa MAIFIP kundi sa lahat ng government service.

Binigyang-diin ng Filipino Cardinal na dapat ay matanggal na ang lahat ng patronage-based items sa pambansang pondo, tulad ng Assistance to Individuals in Crisis Situations, Ayuda para sa Kapos ang Kita Program, Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers, at iba pa.

Aniya, dapat ay idulog ito sa Supreme Court at ipadeklarang unconstitutional ang mga naturang programa.

Tiniyak din ng Cardinal ang kaniyang kahandaan na gawin ito at pumirma bilang co-petitioner.