Inamin ni Emman Bacosa Pacquiao na ang kanyang pangunahing layunin ay maging boxing world champion at magsilbing inspirasyon sa kabataang Pilipino.
Sa isang panayam, sinabi ni Eman na nais niyang maabot ang tagumpay sa pamamagitan ng sipag at dedikasyon.
Bagama’t nagsisimula na rin niyang pasukin ang endorsements at showbiz, nilinaw ng batang boksingero na nananatiling prayoridad niya ang kanyang karera sa professional boxing.
“My priority right now is professional boxing… ‘yung sa show business ay kapag wala pa akong laban,” ani Eman.
Ibinahagi rin niya ang kanyang karanasan sa pag-arte sa isang paparating na television series, kung saan inamin niyang kinabahan siya ngunit na-enjoy ang bagong experience.
Gayunpaman, binigyang-diin niya ang kahalagahan ng tamang balanse sa kanyang oras.
“If boxing, boxing lang talaga… focus. One at a time,” dagdag niya.
Samantala, patuloy din siyang ginagabayan ng kanyang ama na si Manny Pacquiao, na nagbibigay sa kanya ng payo tungkol sa disiplina, tamang pagkain, at sapat na pahinga.
Ayon kay Eman, posible muli silang magsanay nang magkasama ng kanyang ama sa susunod niyang laban ngayong taon.
Sa kabila ng paghahambing sa kanyang ama, nais ni Eman na patunayan ang kanyang sariling kakayahan sa sport.
Bukod sa boxing, natanong din si Eman tungkol sa kanyang ugnayan sa aktres na si Jillian Ward. Inilarawan niya ito bilang isang “good friend” at tumangging magbigay ng karagdagang detalye hinggil sa kanilang estado, na sinabing nakatuon siya sa kanyang pamilya at karera.
Bilang bagong ambassador ng IAM Worldwide, nakatrabaho rin niya ang aktor na si Piolo Pascual, na nagbigay sa kanya ng payo na huwag kabahan at i-enjoy ang bawat pagkakataon sa showbiz.















