-- Advertisements --

Naghain ng reklamo sa Games and Amusement Board (GAB) ang kampo ng boksingerong si Eman Bacosa Pacquiao laban sa kaniyang huling nakatunggali at sa referee na nangasiwa sa kanilang laban.

Dahil umano ito sa paulit-ulit at sinadyang “rabbit punches” o mga suntok sa likod ng ulo ni Eman na ipinagbabawal sa boksing.

Magugunitang si Rodelyn Perez ang huling nakaharap ni Eman noong Hunyo 21 para sa PBF Youth lightweight title na pinangunahan ng referee na si Jerold Tomeldan.

Nagwagi si Perez sa pamamagitan ng majority decision.

Ayon kay Joanna Rose Bacosa Dino, ina at manager ni Pacquiao, hindi umano aksidente ang naturang mga suntok.

“Normal sa nagkakainitan na fighters yung magkasakitan o sabihin na po natin na ma-rabbit punch, pero yung hindi po intentional. Yung ginawa kay Eman intentional kasi paulit-ulit po,” ani Dino.

Dagdag pa niya, mas mahalaga ang kalagayan ng kalusugan ng kaniyang anak kaysa sa naging resulta ng laban.

“Hindi na po ito usapin ng talo kami o panalo kami ang pinaka-concern ko po dito ay yung health ni Eman,” dagdag niya.

Giit pa ng kampo ni Eman Pacquiao na sa kabila ng umano’y paulit-ulit na illegal punches, walang naitalang diskwalipikasyon mula sa referee laban kay Perez.

Ayon kay Dino, habang isinasagawa ang laban ay nagreklamo na si Eman dahil sa paninigas ng kaniyang katawan, na nagsimula umano sa mga paa at umakyat sa buong katawan.

Dagdag pa niya, sumailalim na sa CT scan ang boksingero at hinihintay na lang ang resulta nito.

Samantala, kinumpirma ng GAB na natanggap nila ang reklamo kaugnay ng umano’y “alleged misconduct and officiating lapses.”

Ayon sa GAB, susundin nila ang tamang proseso at hihingan ng paliwanag ang mga sangkot sa reklamo upang matiyak ang due process bago makapaglabas ng desisyon.

“To preserve the integrity of the proceeding, the GAB shall refrain from commenting on the merits of the case pending its final resolution,” pahayag ng ahensya.

Wala pa namang inilalabas na pahayag sina Perez at referee Tomeldan kaugnay ng naturang reklamo.