Inamin ng 22-anyos na boksingero na si Eman Bacosa Pacquiao ang bigat ng pressure na kaakibat ng kanyang apelyido, lalo na sa larangan ng boxing.
Sa isang panayam, sinabi ni Eman na bagama’t malaki ang inaasahan ng publiko sa kanya, lalo na bilang anak ng legendary boxer na si Manny Pacquiao, pinipili niyang ituon ang pansin sa kanyang pagsasanay at personal growth.
Ayon pa kay Eman, mahalaga na ginagawa niya ang kanyang best at magtiwala lamang sa Panginoong Diyos.
Ibinahagi rin niya na may regular pa rin siyang komunikasyon sa kanyang ama, na nagbibigay sa kanya ng paalala na manatiling disiplinado at magsikap sa training.
Maganda rin umano ang kanyang relasyon sa kanyang stepmother na si Jinkee Pacquiao at sa kanyang mga kapatid, bagama’t limitado ang oras para sa bonding dahil sa kani-kanilang mga ginagawa.
Bukod sa boxing, unti-unti ring lumalawak ang karera ni Eman sa showbiz at endorsements. Kamakailan, naging ambassador siya ng isang wellness brand, kung saan kasama niyang lumalabas sa kampanya ang aktor na si Piolo Pascual.
Ayon kay Eman, hindi niya inaasahan ang mga oportunidad na ito at itinuturing niya ito bilang biyaya.
Kilala si Eman hindi lamang bilang anak ng isang boxing icon kundi bilang isang rising athlete matapos ang kanyang panalo noong 2025 sa isang lightweight bout.
Habang patuloy ang kanyang pag-angat, nananatili siyang nakatuon sa boxing at sa pagpapaunlad ng kanyang sarili sa kabila ng lumalaking atensyon ng publiko.















