Mariing itinanggi ni Bicol Saro party-list Representative Terry Ridon ang paratang ni Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste na mayroon umano siyang insertions sa 2025 national budget, lalo na sa pondo ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Ayon kay Ridon, bumalik lamang siya sa Kongreso noong Hunyo 30, 2025 bilang miyembro ng 20th Congress, samantalang ang 2025 General Appropriations Act ay binuo pa noong 2024 sa panahon ng 19th Congress.
Dahil dito, iginiit niyang imposible siyang makilahok sa paggawa ng naturang badyet.
Kaugnay nito, hinamon ni Ridon si Leviste na ilabas na ang buong listahan ng mga DPWH projects at ang lahat ng umano’y proponents, kabilang ang mga kongresista, senador, executive officials, at pribadong indibidwal, sa halip na maglabas ng paunti-unting impormasyon.
Tinukoy din ni Ridon ang pag-amin ni Leviste na hawak nito ang mga dokumentong iniwan ng yumaong DPWH Undersecretary Maria Catalina Cabral. Aniya, hindi na kailangan ng pahintulot ng DPWH o ni Secretary Vince Dizon para ilabas ang mga ito, at dapat sana’y inilabas na ang dokumento noong Setyembre pa.
Samantala, nauna ng pinangalanan ni Leviste si Ridon sa isang panayam at sinabing may P150-milyong road project umano ang Bicol Saro party-list sa Camarines Sur. Ayon kay Leviste, bahagi na ng 19th Congress ang Bicol Saro party-list kahit hindi si Ridon ang kinatawan noon.
















