Pansamantalang papayagan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang provincial buses na dumaan sa kahabaan ng EDSA ngayong holiday rush.
Sa inilabas na advisory ng ahensiya, papayagan simula sa Disyembre 20 ang mga provincial bus na bumagtas sa EDSA sa peak hours mula alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga.
Mula Bisperas naman ng Pasko sa Disyembre 24 hanggang sa Enero 2, 2026, papayagan ang mga provincial bus na makadaan sa EDSA 24 oras para mapahupa ang siksikan ng mga pasahero at para sa maayos na biyahe sa kasagsagan ng holiday.
Ang mga bus na magmumula sa North Luzon ay maaaring magbus-stop sa mga terminal sa Cubao, Quezon City habang ang mga manggagaling naman sa South Luzon ay papayagan lamang na magbaba ng mga pasahero hanggang sa Pasay City at sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX).
Ang naturang hakbang ng MMDA ay parte ng traffic mitigating measures nito para sa Christmas season para matiyak ang mabilis at hindi maantalang biyahe para sa mga provincial bus at ng kanilang mga pasahero.














