Ramdam na ang holiday rush sa pagdagsa ng mga pasahero sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) ngayong araw ng Lunes, December 22.
Tatlong araw bago ang Pasko, makikita na ang kumpol-kumpol na pasahero sa terminal na karamihan ay pauwi sa kani-kanilang mga probinsya o pabalik ng Metro Manila para ipagdiwang ang nalalapit na kapaskuhan.
Batay sa datos na inilabas ng pamunuan ng PITX, alas-7 pa lamang ng umaga ay umabot na sa hindi bababa sa 31,000 na mga pasahero ang nasa bus terminal, mas mataas kung ikukumpara sa bilang ng pasahero noong nakaraang taon sa parehong petsa kung saan 29,938 lang.
Ayon kay PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, sa pagsisimula ng holiday travel rush noong December 19, hanggang December 21, ay umabot sa higit kumulang 500,000 na ang pasaherong gumamit ng terminal.
Matatandaan na sa unang inilabas na datos ng pamunuan ng PITX ay inaasahan na aabot sa tatlong milyon na pasahero ang gagamit ng terminal ngayong holiday season.















