-- Advertisements --

Apat na araw bago ang Pasko, mahigit 157,000 pasahero na ang nagtungo sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) upang bumiyahe pa-probinsiya o bumalik sa Metro Manila.

Ayon ito kay PITX Senior Corporate Affairs Officer Kolyn Calbasa, na umabot sa 157,070 ang bilang ng pasahero kaninang alas-6 ng gabi, bahagyang mas mataas kumpara sa 156,037 noong Sabado ng parehong oras.

Inaasahan ng pamunuan na lalampas pa ang bilang na ito sa 3 milyong pasahero mula Disyembre 19, 2025 hanggang Enero 5, 2026 para sa Kapaskuhan at Bagong Taon.

Dahil dito, pinaigting ng PITX ang kanilang “Holiday Transport Plan” upang matiyak ang ligtas at maayos na biyahe.

Kabilang dito ang pinalawak na customer assistance at mas pinaigting na seguridad, sa pakikipagtulungan ng Department of Transportation, Land Transportation Office, Land Transportation Franchising and Regulatory Board, Philippine National Police, Metropolitan Manila Development Authority, at transport operators.