Isa umanong seasoned combat officer na tubong Davao si Central Command commander Lt. Gen. Noel Clement na siyang pinili ni Pangulong Rodrigo Duterte para maging susunod na AFP chief of staff kapalit ni Gen. Benjamin Madrigal na magreretiro na sa serbisyo sa darating na September 24, 2019.
Sa pakikipag-ugnayan ng Bombo Radyo kay Defense Secretary Delfin Lorenzana kaniyang kinumpirma na si Clement nga ang pinili ng Pangulo subalit hinihintay pa nito ang apppointment papers mula sa Malacañang.
“Si Lt. Gen. Noel Clement daw but we have yet to recieve the papers from Malacañang,” pahayag pa ni Sec. Lorenzana sa Bombo Radyo.
Si Clement ang kasalukuyang commander ng Central Command (Centcom) na nakabase sa Cebu City at miyembro ng PMA Sandiwa Class of 1985.
Nagsimulang hawakan ni Clement ang Centcom noong November 22, 2019 para palitan si Lt. Gen. Paul Talay Atal.
Ito ay mistah o classmate ni Gen. Madrigal at maging ni dating AFP chief at ngayon ay OPAPP Sec. Carlito Galvez.
Si Clement ay dating commander din ng 10th Infantry Division na may area of jurisdiction sa Soccksargen at Davao region bago itinalagang Central Command commander.
Nagsilbi rin siyang deputy chief of staff for operations, commander ng 602nd Brigade at commanding officer ng 56th Infantry Battalion.
Kabilang na naging serbisyo ni Clement ay maging bahagi ng Presidential Security Group (PSG) noong panahon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Si Clement ay isa rin sa mga opisyal ng AFP na idinawit sa pagkawala ng aktibistang si Jonas Burgos noong 2007 pero na-clear din ng mga investigating authorities hinggil sa kaso.
Sa January 5, 2020 ay sasapit na si Clement sa kanyang mandatory age na retirement sa 56-years old.
Siya ang magiging ikaanim na AFP chief sa ilalim ng Duterte administration.