-- Advertisements --

Tutol si Senador Juan Miguel Zubiri sa online gambling sa bansa at tinawag niya itong “silent epidemic” o tahimik na salot na unti-unting sumisira sa mga Pilipino. 

Sa pagsisimula ng 20th Congress, naghain si Zubiri ng panukalang batas na naglalayong ipagbawal ang online gambling o ang  “Anti-Online Gambling Act of 2025.” 

“Let’s not kid ourselves. Iba na ang itsura ng gambling addiction ngayon. Hindi na ito yung lulong ang isang tao sa casino o sa sabungan. It now looks like a kid with a phone under the covers at 2 a.m., losing the family’s grocery money on an online casino site,” saad ni Zubiri. 

Ipinagbabawal ng panukalang batas ang lahat ng anyo ng online gambling sa bansa, at hindi lamang simpleng regulasyon. Kabilang dito ang mga digital betting platform, mobile application, at mga website na nagbibigay-daan sa mga gumagamit na makapagtaya gamit ang cellphone, tablet, o computer.

Saklaw ng panukala ang parehong lokal at offshore-operated gambling sites na tumatarget o naglilingkod sa mga Pilipinong gumagamit.

Ipinagbabawal din ang mga digital wallet at mga payment service providers tulad ng credit cards, GCash, PayMaya, at iba pa na tumulong o magproseso ng anumang transaksyong may kaugnayan sa online gambling.

Anumang entityna tumutulong sa pagtaya, sa pagpapalaganap ng nilalaman tungkol sa sugal, o sa pag-aanunsyo ng mga betting site — maging sa tradisyunal na media, social media, o sa pamamagitan ng influencer marketing — ay mananagot. 

“Ang dami nating nakikitang ads ng online casino sa ating mga payment wallets. Ineendorso pa ng mga sikat na artista. Yung mga memes ng tinatawag nilang ‘scatter,’ makikita mo sa social media. These memes make a parody of people losing a lot of money in online gambling,” pagbibigay-diin ng senador. 

Ang mga lalabag sa panukalang batas ay haharap sa mabibigat na parusa. Sa unang paglabag, ipapataw ang multang hindi bababa sa ₱20 milyon at anim na buwang suspensyon ng lisensya. Sa ikalawang paglabag, maaaring umabot sa ₱50 milyon ang multa at isang taong suspensyon ng operasyon.

Sa ikatlong paglabag, ipapataw ang multang hindi bababa sa ₱100 milyon, permanenteng pagbawi ng lisensya, at paglilitis sa mga pangunahing opisyal ng kumpanya, na maaaring humantong sa anim na taong pagkakakulong.