Mariing pinabulaanan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang mga alegasyong tinapyasan nila ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson sa Senado ang pondo ng mga congressional district — kung saan tinawag niya ang mga ito na “walang basehan” at “maliwanag na black propaganda.”
Ayon kay Sotto, may ilang miyembro ng House of Representatives — lalo na ang mga district representative — ang tumawag sa kanyang political officer at nagpahayag ng pangamba na nababawasan umano ang pondo para sa kanilang mga distrito kapag dumating na sa Senado ang budget deliberations.
Ngunit giit niya, walang katotohanan ang paratang at maaari raw itong kumpirmahin ni Senador Sherwin Gatchalian bilang chairman ng finance committee na nagdedepensa sa panukalang pondo para sa 2026.
Hinimok din niya ang mga kongresista na idulog ang kanilang mga pangamba sa kanilang Chairman of Appropriations sa Kamara upang malinawan ang usapin.
Aniya, paninira lamang ang mga paratang na sila ni Lacson ay nagtapyas ng budget sa mga distrito.
Nilinaw naman ni Gatchalian ang isyu na umano’y nag-alis ang Senado ng ilang proyekto sa General Appropriations Bill (GAB).
Ayon sa senador, ang mga proyektong inalis ay mga may duplicate, paulit-ulit, o may red flags.
Binanggit din ni Gatchalian na, sa unang pagkakataon, ini-upload ng Senado sa website ang committee report kasama ang mga annex na nagpapakita ng mga proyektong nadagdag o nabawas.
Nilinaw din ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na ang mga proyekto ay mga infrastructure projects ng DWPH sa iba’t ibang distrito na aniya’y nagmula sa NEP.
Sumingit naman si Lacson at biro nitong wala pa sa bicameral conference committee upang pagkasunduin ang mga magkakaibang bersyon ay tila nagbabakbakan na.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang budget deliberations sa Senado kasabay ng pagtiyak nina Sotto at Gatchalian na hindi nila ginagalaw ang pondo ng mga distrito.
















