-- Advertisements --

Kinumpirma ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na bumagsak ang kanilang kita matapos alisin ang mga link ng online gambling sa mga e-wallet platforms.

Ito ang kinumpirma ni Atty. Jessa Mariz Fernandez, Offshore Gaming Licensing Assistant Vice President, sa pagdinig ng Committee on Games and Amusement.

Ayon kay Fernandez, nalugi ng halos 40 hanggang 50 percent ang kita ng PAGCOR sa loob ng dalawang linggo matapos i-delist ang mga online gambling mula sa mga payment platforms.

Ipinunto ng opisyal na ang datos ay mula sa accounting records at Electronic Gaming Licensing Department ng ahensya.

Bagama’t nakaranas ng pagkalugi ang korporasyon, nilinaw ni Fernandez na hindi total ban ang nais ng PAGCOR kundi mahigpit na regulasyon sa industriya, alinsunod sa naunang pahayag ni Chairman Alejandro Tengco.

Iginiit ni Senador Erwin Tulfo, chairman ng komite, na ang pagbagsak ng kita ay patunay na may epekto ang naging hakbang laban sa online gambling, partikular sa paggamit ng e-wallets sa mga transaksyon.

Samantala, isiniwalat ni Senadora Risa Hontiveros na nagagamit pa rin ang mga e-wallet platform para sa pagdeposito at pag-withdraw sa loob mismo ng mga online gambling platform.

Ayon sa senadora, maaaring umabot hanggang anim na digit o hanggang P500,000 ang nailalabas at naipapasok sa mga transaksyong ito.

Ipinaliwanag niya na kung sa online banking, kapag sumobra ng P50,000 ay hindi na maaaring makapag-transfer, ngunit sa e-wallet platforms ay posibleng maglabas-masok ng hanggang kalahating milyon para sa pagsusugal.

Samantala, paiisyuhan ng komite ng show cause order ang opisyal ng Meta Philippines dahil sa hindi pagdalo sa pagdinig ukol sa online gambling.

Sa sulat kay Senador Erwin Tulfo, sinabi ni Genixon David, public policy manager ng social media giant, na nasa Singapore at Amerika ang kanilang authorized representatives kaya hindi makadalo. 

Gayunman, handa raw silang makipagpulong kay Tulfo at magsumite ng position paper.

Ikinagalit ito ni Tulfo at iginiit na tila nagdidikta ang Meta sa Senado. Binalaan niyang maaaring ipatawag at ipakulong ang opisyal kung patuloy na hindi igagalang ang kumite.