Nanawagan si Senate Committee on Games and Amusement Chairman Senador Erwin Tulfo sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR), Ad Standards Council (ASC), at Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na agad repasuhin ang mga advertisements kaugnay ng online gambling.
Nakipagpulong ang senador kasama ang mga ahensya upang talakayin ang mga posibleng hakbang upang paigtingin ang kampanya laban sa pagkahumaling sa online gambling.
Ipinaliwanag ng mga opisyal na may umiiral na pre-clearing process para sa mga advertisements ng legal na operator, ngunit hindi ito saklaw ng mga ilegal na online gambling platform.
Binigyang-diin ni Tulfo na patuloy ang pagdami ng mga advertisements mula sa mga ilegal na operator, kahit pa walang lisensya ang mga ito.
Nagpahayag naman ang mga ahensya na magpapatupad sila ng template sa mga advertisements kung saan tanging mga slogan hinggil sa “responsible online gambling” ang papayagan.
Dahil dito, inanunsyo ni Tulfo na iimbitahan niya ang mga kinatawan ng malalaking social media platforms sa nalalapit na pagdinig ng Games and Amusement sa Setyembre 11 upang talakayin ang mas mahigpit na regulasyon.
Kasama ring ipapatawag ang mga kinatawan ng law enforcement agencies at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) para talakayin ang pagpigil sa operasyon ng mga ilegal na online gambling site.