-- Advertisements --

Paiimbestigahan ni Senador Erwin Tulfo ang umano’y pang-aabuso sa Letter of Authority (LOA) na ginagamit umanong money-making scheme ng ilang tauhan ng bureau of internal revenue (BIR). 

Sa inihaing Senate Resolution No. 180, inaatasan ang Senate Blue Ribbon Committee na siyasatin ang isyu ng umano’y pangingikil sa loob ng ahensya kung saan maraming mga ulat ang nagsasabing ang LOA ay ginagamit bilang sandata ng ilang tauhan ng BIR para mang-harass o manuhol sa mga negosyo. 

Sa BIR, ang Letter of Authority, ang opisyal na dokumento na nagbibigay ng permiso sa mga revenue officer na magsagawa ng tax audit sa isang negosyo o taxpayer.

Sa pulong balitaan, iginiit ni Tulfo, na may mga ulat na ang ilang mga negosyante ay nagbayad na ng buwis ngunit iinspekyunin pa rin ng ilang tauhan ng ahenya. 

Pinapatos na rin aniya ang pangingikil sa mga family business o maliliit na grocery store. 

Pumapangalawa aniya ang BIR sa tiwaling ahensya ng pamahalaan, sumunod sa Department of Public Works and Highways (DPWH). 

Sa ilalim umano ni dating BIR Commissioner Romeo Lumagui Jr. naabuso ang LOA. 

Una nang hinimok ni Tulfo si BIR Commissioner Charlito Martin Mendoza na repasuhin ang LOA at i-reshuffle ang mga regional director.

Kasabay nito, binanatan din ng senador ang umano’y pagiging “non-performing” ng mga regional directors ng ahensya.

Giit ni Tulfo, hindi siya bilib sa mga regional directors ng ahensya kaya’t kailangan na silang ma-reshuffle.

Gayunman, tiniyak ni Tulfo ang buong suporta niya, maging ng kapatid niyang si Senator Raffy Tulfo, sa mga repormang nais ipatupad ng bagong hepe ng BIR.