-- Advertisements --

Iginiit ni Senator Erwin Tulfo na dapat mapanagot ang Environment Management Bureau ng Department of Environment and Natural Resources (DENR-EMB) sa pagguho ng landfill sa Barangay Binaliw, Cebu City noong Enero 8 na kumitil ng 36 na katao.

Ito ay dahil aniya sa kabiguan ng kagawaran na mapangasiwaan ang landfill na nagpahintulot sa pagtatayo ng gusali sa paanan ng gabundok na basura na malinaw aniyang delikado.

Sa kaniyang pagbisita sa mismong site nitong Linggo kasabay ng pagbisita niya sa mga pamilya ng mga nasawi, sinabi ng Senador ang naturang lokasyon ay matagal ng may banta ng pagguho at naiwasan sana ang trahedya at buhay pa sana ang mga biktima kung naagapan ito ng mga awtoridad.

Samantala, kasunod ng trahediya, plano ngayon ni Sen. Tulfo, na tumatayong chairman ng Senate Committee on social justice and rural development, na maglunsad ng imbestigasyon sa Senado para matukoy ang pananagutan at mapigilang maulit ang kaparehong insidente sa hinaharap.

Nakipag-ugnayan na rin ang Senador sa mga ahensiya ng gobyerno para matiyak ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong pamilya, kung saan kinontak ng opisyal ang DSWD para sa pagbibigay ng tulong para sa burial, medical aid para sa mga nasugatan at tulong panghanapbuhay sa mga pamilyang nawalan ng mapagkakakitaan kasunod ng pagguho ng landfill.