-- Advertisements --

Dapat nang tapusin ng Senate Blue Ribbon Committee at ipaubaya sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang imbestigasyon kaugnay sa maanomalyang flood control projects, ayon kay Senador Erwin Tulfo. 

Giit ni Tulfo, tila nagiging telenovela na kaya lalong gumugulo ang imbestigasyon. Kaya naman mas mainam aniya na ipaubaya na lamang sa ICI ang isyu ng flood control upang matutukan ang ibang isyu kabilang ang smuggling at online gambling. 

Malinaw daw kasi sa napag-usapan na sa oras na may naghain na ng kaso ay ihihinto na ng Senado ang pagdinig at tututok na sa pagbuo ng committee report. 

Mungkahi ng senador, sa halip na magsabay-sabay ang mga ahensya ng gobyerno sa pag-iimbestiga kaugnay sa maanomalyang flood control projects, ibigay na lamang ang lahat ng ebidensya sa ICI. 

Dagdag pa ng senador, nasa kamay na ng komisyon kung ila-livestream nola ang pagdinig gayong ito ang hinihintay ng taumbayan. 

Samantala, iginiit naman ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Senador Ping Lacson na magpapatuloy pa ang imbestigasyon ng komite ukol sa flood control anomalies. 

Ngunit, aniya, magsusumite na sila ng initial committee report mula sa mga nagdaang pagdinig at maisponsoran na ito pagkatapos ng budget debates. 

Sa ngayon, wala pang nakatakdang iskedyul ng susunod na hearing dahil nagpapatuloy pa ang deliberasyon ukol sa panukalang pambansang pondo para sa 2026.