-- Advertisements --

Kinwestiyon ni Senador Erwin Tulfo, ang hindi matapos-tapos na footbridge project sa Maynila na pinondohan pa noong 2019 na nagkakahalaga ng P284 million. 

Sa pagdinig ng Committee on Public Works, binatikos ni Tulfo ang umano’y overpriced na Pasig River Esplanade Footbridge na nagkokonekta aniya sa bahagi ng Quiapo papuntang Ferry Station sa Lawton. 

Giit ni Tulfo, anim na taon na ang nakalilipas ngunit tila kalahati pa lamang ng footbridge ang nakikitang nakatayo. 

Ang proyekto ay inaprubahan at sinimulan noong panahon ng panunungkulan ni dating DPWH NCR Director Ador Canlas, na ngayo’y nagsisilbi bilang undersecretary ng ahensya. 

Paliwanag ni Canlas, na ang proyekto ay nagsimula pa noong 2017 bilang isang inter-agency project na pinamumunuan ng Department of Budget and Management (DBM) at may partisipasyon ng ilang ahensya at lokal na pamahalaan. 

Bagaman ang Phase 1, kabilang ang konstruksiyon ng piers, ay natapos, ang Phase 2 at Phase 3 ay naantala dahil sa mga isyu sa alignment, pagpasok sa LRTA compound, at kaso laban sa DPWH mula sa isang establisyemento.

Dahil dito, ang implementasyon ng proyekto ay pansamantalang tinigil.

Hindi nasiyahan si Tulfo sa naging paliwanag ni Canlas at iginiit nito na dapat sa planning stage pa lamang ay tiniyak na ng ahensya na wala itong magiging problema. 

Ipinunto ng senador ang kahalagahan ng maayos na planning at right-of-way clearance bago simulan ang proyekto.