Kumpiyansa si Senador Jinggoy Estrada na maaaprubahan at maisasabatas ang kanyang isinusulong na panukalang batas upang tuluyan nang alisin ang Senior High School — karagdagang dalawang taon ng pag-aaral.
Ayon kay Estrada, maging si Department of Education (Deped) Secretary Sonny Angara at Pangulong Ferdinand Marcos Jr., aniya ay nagpahayag na mayroong problema sa pagpapatupad ng K-12 curriculum.
“Ako naman confident naman ako na maipapasa yan dahil ultimo si Secretary Angara ay nagsasabi na talagang may problema doon sa pag-implement ng K-12, ganoon din si Pangulong Marcos. Kung ganun yung pronouncement ni Pangulong Marcos, ay talagang may problema talaga, ani Estrada.
Samantala, naniniwala naman si Estrada na maaaring pagdebatehan sa plenaryo ang kanyang inihain na alisin ang SHS at ang isinusulong ni Senador Sherwin Gatchalian na bawasan ng isang taon ang pag-aaral ng mga estudyante sa kolehiyo.
Ngunit, nanindigan ito na dapat na talagang alisin ang SHS.
“Well, debatable yan. Pero ako, maranatili pa rin ang aking paniniwala na kailangan talaga na tanggalin na yung dalawang taon, giit ni Estrada.
Muling inihain ni Estrada sa 20th Congress ang panukalang batas na naglalayong tanggalin ang karagdagang dalawang taon ng pag-aaral ng mga estudyante o ang SHS.
Binanggit ni Estrada ang pag-amin ng mga opisyal ng DepEd na hindi pa naaabot ng SHS program ang layunin nito para sa mga K to 12 graduates dahil sa napakaraming curriculum, over-worked ang mga guro at estudyante, mababang employment rate ng mga nagtapos ng SHS — 10% lamang ang pumapasok sa labor force, karamihan pa ay sa informal sector.
Sa ilalim ng rationalized basic education program, iminungkahi ni Estrada ang isang taong edukasyon sa kindergarten, anim na taon sa elementarya at apat na taon sa secondary education.