Muling itinanggi nina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada ang pagkakasangkot nila sa umano’y korapsyon sa mga flood control projects.
Kasunod ito ng rekomendasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman (OMB) na sampahan ng kasong plunder, bribery, at iba pang reklamo ng korapsyon ang dalawang senador, dahil umano sa pagtanggap ng benepisyo mula sa mga maanomalyang proyekto.
Iginiit ni Villanueva na makikita sa mga rekord ng Senado na simula pa lamang ay tutol na siya sa mga flood control projects. Aniya, siya mismo ang naglantad at nagtatanong hinggil sa mga proyektong ito na hanggang ngayon ay hindi pa rin naipatutupad.
Dagdag pa ng senador, iisa lamang ang testimonya ni dating DPWH District Engineer Henry Alcantara—na wala siyang kinalaman sa mga flood control projects.
Gayunpaman, sinabi ni Villanueva na hihintayin niya ang magiging aksyon ng Ombudsman at magsusumite ng pormal na tugon sa tamang panahon upang patunayan ang kanyang kawalang-sala.
Samantala, iginiit ni Estrada na wala siyang tinanggap na anumang pondo para sa mga flood control projects.
Tiniyak niyang handa siyang ipagtanggol ang sarili at dumaan sa anumang proseso ng batas upang patunayan na nagsasabi siya ng totoo at nanatiling tapat sa kanyang tungkulin bilang lingkod-bayan.
Binigyang-diin pa ni Estrada na lilinisin niya ang kanyang pangalan at buo ang kanyang tiwala na sa tamang panahon, mananaig ang katotohanan.














