-- Advertisements --

Iginiit ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson na hindi pa lusot sina Senators Jinggoy Estrada at Joel Villanueva sa isyu ng budget insertions. 

Binigyang-diin ni Lacson, na maaaring “selective” ang memorya ng dumawit sa kanila, pero hindi ibig sabihin nito ay lusot na sila sa usapin ng daan-daang milyong pisong insertions sa General Appropriations Acts (GAAs) para sa 2023 at 2025.

Sinabi ng senador na natagpuan ang P600 milyon na nakalaan umano para sa flood control projects sa Bulacan sa unprogrammed funds ng 2023 GAA, na iniuugnay ni Hernandez kay Villanueva. Itinanggi ni Villanueva ang alegasyon.

Ani Lacson, ang P600 milyon ay nakita sa dokumentong galing kay Senador Sherwin Gatchalian. 

Sa pagdinig ng Blue Ribbon Committee, itinuro ni Hernandez na ang umano’y flood control projects ni Villanueva ay mula sa unprogrammed funds sa 2023 GAA.

Nauna nang sinabi ni Lacson na may P355 milyon na infrastructure projects sa Bulacan na iniuugnay ni Hernandez kay Sen. Jinggoy Estrada ang natagpuan sa 2025 GAA. Itinanggi rin ni Estrada ang alegasyon.

Saad ni Lacson, pinayagan niyang dumalo ang dalawang senador sa pagdinig ng dahil ito ay isang pangunahing karapatan ng sinuman na harapin ang nag-aakusa sa kanila. 

Dagdag pa ni Lacson, ang bawat indibidwal, ordinaryo man o senador, ay may pantay na karapatan. 

Kinonsulta rin daw niya ang kanyang legal staff bago gumawa ng desisyon na payagan silang dumalo.

Sa kabilang banda, hindi pa raw nalinis ang dalawang senador sa isyu ng budget insertions sa ilalim ng 2023 at 2025 GAA.