-- Advertisements --

Posible nang kilalanin ang pagkakaroon ng ‘co-ownership’ sa ari-arian ng nasa ‘same-sex relationships’ ayon sa Kataas-taasang Hukuman.

Ayon sa Korte Suprema, maaari ito basta’t ang naturang magkarelasyon ay magkasama sa iisang tirahan sa ilalim ng Article 148 ng Family Code, kalakip pati patunay ang aktwal na kontribusyon.

Saklaw kasi nito ang pagkilala sa co-ownership ng mga ari-arian ng nasa relasyon nabubuhay nang magkasama ngunit hindi maaaring ikasal ng ligal.

Alinsunod sa desisyon isinulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez ng ikalawang dibisyon ng Korte Suprema, pinagbigyan nito ang reklamong inihain ng isang dating kasintahan humiling ng paghati sa kanilang ari-arian.

Nais din niyang makilala bilang at pagiging ‘co-owner’ sa bahay at loteng kahati ang kanyang same-sex partner.

Kung babalikan, noong sila’y magkasintahan pa, bumili ang magkarelasyon ng sariling bahay at lote sa lungsod ng Quezon.

Ngunit nang maghiwalay na, bagama’t napagkasunduan na ibenta at paghatian ang kabayaran sa ari-arian, kalauna’y umatras ang isa at itangging ‘co-wner’ ang kanyang partner.

Idinulog ito ng kanyang dating karelasyon hanggang sa regional trial court upang sana’y kilanlin ang hatian sa ari-arian.

Ito’y ibinasura lamang ng RTC subalit sa inilabas na resolusyon ng Korte Suprema ay ibinaliktad ang desisyon ng mababang korte.

Dito binigyang diin ng Kataas-taasang Hukuman ang probisyon ng Family Code namamahala sa ‘property relations’ ng hindi kasal na mag-partner ngunit nagsasama o nakatira sa iisang bahay.