Kinumpirma ni Batangas Representative Leandro Leviste na hawak niya ang files na naglalaman ng listahan ng mga proponent ng multi-bilyong pisong budget insertions sa Department of Public Works and Highways (DPWH) sa buong bansa, na umano’y ibinigay sa kanya ng yumaong si Undersecretary Maria Catalina Cabral.
Sa isang FB post nitong Linggo, sinabi ni Rep. Leviste na ibinigay sa kanya ang mga file noong Setyembre 4, 2025 matapos ang direktiba ni DPWH Secretary Vince Dizon bilang bahagi ng pagsusulong ng transparency.
Ipinakita na rin umano niya ang mga dokumento sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) at sa Office of the Ombudsman noong Nobyembre.
Sinabi ng mambabatas na hindi lamang mga Kongresista at Senador ang nasa listahan kundi pati matataas na opisyal ng ehekutibo at ilang pribadong indibidwal.
Aniya, upang hindi makompromiso ang kaniyang trabaho sa Kongreso, mas mainam na ang DPWH ang magsapubliko ng naturang files.
Matatandaan, nauna nang itinuro si Cabral bilang mahalagang personalidad sa umano’y pagpaplano at alokasyon ng pondo ng DPWH, partikular sa mga flood control projects, bago ito magbitiw noong Setyembre 16 matapos madawit sa kontrobersiya.
















