Mariing itinanggi ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang alegasyong nagkaroon ng budget insertions sa kasalukuyang bicameral conference committee (BICAM) deliberations para sa 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Tugon ito ni Speaker Dy sa balita na inilabas na report ng PCIJ na ang kaniyang distrito ang may pinaka malaking pondo para sa DPWH projects kasunod si House Appropriations Chairman Mikaela Suansing.
Ayon kay Dy, mali at nakaliligaw ang mga ulat na may palihim na pagdaragdag ng pondo o probisyon sa BICAM.
Binigyang-diin niya na lahat ng nilalaman ng bersyon ng Kamara ay dumaan sa tamang proseso at inaprubahan sa ikatlong pagbasa bago pa man magsimula ang bicameral conference.
Ipinaliwanag din ng Speaker na ang papel ng BICAM ay pag-isahin lamang ang bersyon ng Senado at Kamara, at hindi magpasok ng mga bagong panukala na hindi napagkasunduan.
Tiniyak ni Dy na bukas, legal, at tapat ang proseso ng paggawa ng badyet, at nanindigan siyang ang 2026 DPWH budget ay ginagawa para sa kapakanan ng publiko at hindi para sa pansariling interes.
















