Kumpiyansa si Senador Jinggoy Estrada na walang pagmamalabis na ginawa ang Senado matapos patawan ng contempt si dating DPWH engineer Brice Hernandez.
Ang pahayag ni Estrada ay kasunod ng utos ng Pasay City Regional Trial Court na magsumite ng sagot ang Senado sa writ of amparo na inihain ni Hernandez.
Ayon sa senador, naaayon sa constitutional mandate at jurisdiction ng Senado ang pagpapataw ng kaukulang parusa sa mga nagsisinungaling na resource person sa pagdinig.
Mahalaga aniyang igiit ng mataas na kapulungan ang kapangyarihan nito upang mapanatili ang integridad ng mga imbestigasyon at mapangalagaan ang interes ng publiko.
Dagdag pa ni Estrada, hindi ito ang unang pagkakataon na nagpakulong ang Senado ng mga na-cite in contempt ng Blue Ribbon Committee, gaya sa kaso ni Jean Arnault noong 1950s, at kamakailan kina dating Customs Commissioner Nicanor Faeldon at Linconn Ong sa imbestigasyon sa Pharmally.
Kaya naman naniniwala si Estrada na walang naging pagmamalabis ang Senado sa paggamit ng naturang kapangyarihan.