Iginiit ni dating Supreme Court Justice Antonio Carpio na may legal na paraan upang mabuksan ang bank records ni Vice President Sara Duterte sa gitna ng isinusulong na impeachment case laban sa kanya — at ito ay sa pamamagitan ng Ombudsman.
Sinabi ni Carpio na bagama’t protektado ng Bank Secrecy law ang mga deposito, may dalawang exemption: kung ito ay may written consent ng depositor, at kung ito ay bahagi ng isang impeachment proceeding.
Sa kaso ng impeachment aniya ay walang qualification at puwedeng hilingin ng prosecution panel sa impeachment court ang subpoena duces tecum para sa bank records.
Kailangang pagbotohan din ito ng mga senator-judges o desisyunan ng Senate President bilang presiding officer.
Ngunit iginiit ni Carpio na mas direktang paraan ang paggamit sa kapangyarihan ng ombudsman, dahil sa probisyon sa saln form kung saan awtomatikong nagbibigay ng pahintulot ang opisyal sa ombudsman para I-verify ang kanyang yaman.
Sa ilalim ng administrasyon noon ni dating pangulong Rodrigo Duterte, nagsagawa na rin ng katulad na imbestigasyon ang Ombudsman sa bank transactions ng pamilya Duterte, gamit ang impormasyon mula sa Anti-Money Laundering Council.
Dagdag ni Carpio, magreretiro na si Ombudsman samuel martires—isang duterte appointee—at maaaring may bago nang ombudsman sa panahon ng impeachment trial. Si justice secretary jesus crispin remulla ay kumpirmadong nagnanais na maging susunod na ombudsman.
Kung may political will aniya ang bagong Ombudsman, puwedeng buksan ang bank records sa ilalim ng batas.