Inihayag ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste na humingi umano ng paumanhin ang Office of the Ombudsman sa kaniya matapos sabihing limitado ang kaniyang ibinigay na kopiya kaugnay sa tinaguriang “Cabral files.”
Ayon sa mambabatas, humingi ng paumanhin ang staff ng Ombudsman sa kaniya habang sinabi umano ni Assistant Ombudsman Mico Clavano na hindi siya inatasan ng nakatataas sa kaniya para magbigay ng naturang video message.
Tinutukoy ni Leviste ang isang video statement na ipinost ni Clavano noong Disyembre 29 na nagsasabing hindi lamang si Leviste ang lumapit sa kanilang tanggapan na nagsasabing may hawak umanong mga kopiya ng Cabral files.
Dito rin sinabi ng Assistant Ombudsman na limitado lamang ang iprinisenta ni Leviste at hindi ang buong set ng files na aniya’y hawak niya.
Nauna ng sinabi ni Leviste na hindi kasama si Clavano sa kaniyang pakikipagpulong sa Office of the Ombudsman kung kailan niya ibinigay ang hawak niyang dokumento.
Nakatuon aniya ang agenda ng pulong sa mga proyekto ni CWS Party-List Rep. Edwin Gardiola sa unang distrito ng Batangas at siya mismo ang nag-inisyatibo na pag-usapan ang hinggil sa Cabral files. Aniya, tila hindi umano sila interesado dito at hindi na umano siya binalikan matapos ang naturang pulong.
















