-- Advertisements --

Ibinahagi ni dating US boxing champion Floyd Mayweather na may ilang mga laban pa ito bago ang inaabangang paghaharap muli nila ni Manny Pacquiao.

Sinabi ng 48-anyos na si Mayweather na makakaharap niya sa exhibition match si Mike Tyson.

Gaganapin ang paghaharap nila ng 59-anyos na dating heavyweight boxing champion sa darating na Abril 25.

Pagkatapos ng dalawang buwan ay makakasagupa naman nito sa ring si Greek kickboxer Mike Zambidis sa isang exhibition fight sa Hunyo na gaganapin sa Athens, Greece.

Ang 45-anyos na si Zambidis ay 18-time world champion na nagretiro na may record na 157 panalo at 24 na talo sa kickboxing.

Ang dalawang exhibition fight ay magsisilbing warm-ups sa paghaharap niya kay Pacquiao sa darating na Setyembre 19.

Hindi na bago sa exhibition fight si Mayweather dahil matapos ang huling professional fight niya kay Conor McGregor noong 2017 ay nakaharap niya sa mga exhibition matches sina kickboxing star turned boxer Tenshin Nasukawa noong 2018 at si WWE star Logan Paul noong 2021.