-- Advertisements --

Inalerto na ng Department of Health (DOH) ang lahat ng ospital ngayong holidays matapos ang sunod-sunod na insidente ng pagdukot sa mga sanggol.

Noong Disyembre 26, isang sanggol ang nadukot sa Amang Rodriguez Memorial Medical Center (ARMMC) sa Marikina City ng isang babae na nakasuot ng scrub at face mask, ngunit natunton at nabawi ang bata noong Disyembre 29 sa Pasig.

Sumunod dito, ang hiwalay na insidente ng tangkang pagdukot ng isang babae sa sanggol sa Tondo Medical Center sa Maynila bandang alas-1 ng madaling araw ng Disyembre 29, ngunit nahuli ito ng nurse at security guard bago makalabas.

Aminado ang mga ospital na kailangang higpitan ang seguridad, kabilang ang headcount ng staff, maayos na shift endorsement, at mahigpit na pag-beripika ng pagkakakilanlan ng pumapasok at lumalabas ng mga ospital.

Ayon sa pulisya, kapwa nag-claim ang mga suspek ng nakunan umano kamakailan bilang dahilan sa krimen, at may mga naitalang kaso rin na planong ibenta ang mga sanggol.

Sa kasalukuyan, nasa custody na ng pulisya ang dalawang suspek at haharap sa kidnapping at attempted kidnapping charges.

Nanawagan naman ang DOH sa mga ospital at publiko na doblehin ang pag-iingat para sa kaligtasan ng mga bagong silang.