-- Advertisements --

Kinakailangang idaos ng Commission on Elections (COMELEC) ang isang Special Election upang punan ang naiwang bakanteng posisyon sa House of Representatives, partikular para sa 2nd District ng Antipolo City.

Ito ay bunsod ng pagpanaw ni Representative Romeo Acop.

Ayon sa pahayag ng National Unity Party (NUP), ang pagsasagawa ng special election ay nakabatay sa mga probisyon ng 1987 Constitution, kasama na rin ang Republic Act No. 7166.

Ang nasabing batas ay nagtatakda na kinakailangan ang isang special election kapag ang isang posisyon ay nabakante isang taon o higit pa bago ang pagtatapos ng termino ng nakaupong opisyal.

Nabatid na ang termino ni Acop ay nagsimula noong June 30, 2025 habang ang kanyang posisyon sa kongreso ay nabakante noong December 20, 2025.

Dahil dito, ayon sa mga regulasyon, kinakailangan na ang halalan ay maisagawa sa loob ng 60 hanggang 90 araw.

Idinagdag pa ng NUP na, base sa naging desisyon ng Korte Suprema sa landmark case na Hagedorn vs. House of Representatives, hindi na kinakailangan pa ang isang sertipikasyon o pagpapatibay mula sa Kamara de Representantes upang makapagpatuloy ang COMELEC sa paghahanda at pagsasagawa ng special election.

Ang sinumang kandidato na mahahalal at mananalo sa special election na ito ay magsisilbi para sa natitirang bahagi ng termino ni Acop sa kongreso.