-- Advertisements --

Pinabulaanan ng Korte Suprema ang kumakalat na mga post sa internet ukol sa umano’y pahayag ni Chief Justice Alexander Gesmundo hinggil sa arrest warrant mula sa International Criminal Court (ICC) laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa.

Ayon sa mga pekeng post, naglabas daw ng kautusan si Chief Justice Gesmundo upang harangin ang pagpapatupad ng nasabing warrant. Ngunit sa inilabas na opisyal na abiso ng Supreme Court, tinawag itong “fake news.”

Nilinaw ni SC spokesperson Camille Ting na walang anumang pahayag na ibinigay ang Punong Mahistrado kaugnay ng naturang isyu.

Matatandaan, nauna ng ibinunyag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may inisyu na ang ICC na arrest warrant laban kay Dela Rosa bilang posibleng kasamang akusado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa The Hague dahil sa inaakusang crimes against humanity laban sa kaniya may kaugnayan sa umano’y mga pagpatay sa ilalim ng war on drugs.