-- Advertisements --

Ipinunto ng isang international law expert na dapat na desisyunan pa rin ng Korte Suprema ang mga petisyong kumukwestiyon sa legalidad ng pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila pa ng partial mootness nito o kahit mauwi lang sa wala dahil nasa kustodiya na ng International Court ang dating Pangulo.

Ayon sa international law expert na si Atty. Rodel Taton, dapat na magpasya pa rin ang Kataas-taasang hukuman sa nasabing kaso dahil ito ay tungkol sa soberaniya at independensiya ng ating bansa, kahit pa may pangingialam mula sa outside forces gaya ng international organization o estado.

Bagamat aminado ito na may posibilidad ng mootness o wala ng epekto ang magiging desisyon ng korte, kailangan pa rin aniyang tignan ito dahil ito ay isang usapin ng national concern.

Sa kabila ng posibilidad na mauwi bilang moot ang hiling ng kampo ni Duterte para sa Temporary Restraining Order (TRO) at Habeas Corpus, sinabi ni Atty. Taton na mayroon pa ring exceptions sa mootness rule ng Korte Suprema.

Aniya, sa ilang mga pagkakataon, denisisyunan ng Korte Suprema ang mga kasong may kinalaman sa bansa para magbigay ng legal guidance sa mga henerasyon sa hinaharap.

Ilan sa mga exceptions sa mootness rule ay kapag ang kaso ay may kinalaman sa usapin ng masidhing interest ng publiko, kapag ang kaso ay may kinalaman sa seryosong paglabag ng Konstitusyon, kapag ang kaso ay maaaring maulit subalit mahirap na pag-aralan at kapag ang kaso ay nangangailangang lumikha ng mga legal na prinsipyo para magabayan ang publiko, legal profession at ang hudikatura.

Matatandaan, nasa 3 petisyon ang inihain sa Korte Suprema na kumukwestiyon sa pag-aresto sa dating pangulo.

Una ay ang inihain ni Atyy. Israelito Torreon noong araw na inaresto ang dating Pangulo, na humihiling na ideklarang unconsititutionl ang kooperasyon ng gobyerno ng Pilipinas sa ICC.

Ang ikalawa at ikatlo naman ay ang magkahiwalay na inihain ng mga anak ni Duterte na sina Veronica at Sebastian Duterte na kapwa humihiling ng writ of habeas corpus para harangin ang mga awtoridad na iharap ang dating Pangulo at ipaliwanag ang dahilan ng pag-aresto sa kaniya.