Kinilala ni Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Abdulraof Macacua ang kontribusyon ni Speacial Assistant to the President Anton Lagdameo Jr. para sa mahalagang papel nito sa pangunguna at pagsulong ng peace process sa rehiyon.
Sa talumpati ng chief minister na ‘Chief Minister’s Hour,’ pinuri at kinilala ni Macacua ang aktibong partisipasyon ni Lagdameo sa mga inisyatiba ng pambansang pamahalaan para sa kapayapaan, kaunlaran, at progreso ng BARMM.
Ayon kay Macacua, nagsisilbing direktang tulay si Lagdameo sa pagitan ng Malacañang at mga komunidad ng Muslim, Kristiyano, at ng mga katutubong non-Moro na naninirahan sa nasabing rehiyon.
Sinuportahan naman ito ng ilang mga lokal na opisyal tulad ni Cotabato Governor Emmylou Taliño-Mendoza na nagpasalamat sa administrasyon para sa peace and development programs sa mga Moro Communities sa pamamagitan ni Lagdameo at ng iba pang opisyales ng pambansang pamahalaan.
“We are optimistic about more fruitful results from the peace process in these areas soon,” sabi ni Taliño-Mendoza.
Sa panig naman ni Maguindanao del Sur Governor Datu Ali Midtimbang, inihayag niyang patuloy nilang isasama si Lagdameo sa kanilang mga local peacebuilding programs at sa pagsasaayos ng mga isyu ng kanilang lungsod.
“They have helped address governance and security issues in several areas in the Bangsamoro region in recent years,” saad ni Midtimbang.
Samantala, sinabi ni South Cotabato Gov. Reynaldo Tamayo na inaabot din nina Lagdameo at Macacua ang mga komunidad ng mga Moro sa labas ng mga teritoryo o nasasakupan ng BARMM.
“We are also benefitting from Malacañang’s peace efforts with both the MILF and the Moro National Liberation Front (MNLF). We will never falter in supporting the Mindanao peace process,” dagdag ni Tamayo.
Sinuportahan naman ito ni BARMM Cabinet Secretary Mohd Asnin Pendatun kung saan sinabi niyang importante at kritikal ang bahagi at naging papel ni Lagdameo sa Bangsamoro transition.
“He has been serving as one of our reliable bridges and partners pagdating po doon sa pagpapadulong ng mga issues in the BARMM papunta po sa ating presidente. SAP Anton has been very important and very crucial in the Bangsamoro transition especially during this administration,” sabi ni Pendatun.
Kabilang si Lagdameo sa mga dumalo sa nasabing pagtitipon kasama si Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Carlito Galvez Jr. na kinilala rin sa kanyang suporta sa BARMM peace process.