-- Advertisements --

LAOAG CITY – Sumulat ang Sangguniang Panlalawigan sa pamumuno ni Vice Gov. Matthew Marcos Manotoc sa Department of Public Works and Highways para humiling ng listahan ng mga flood control projects sa lalawigan.

Ayon kay Vice Gov. Manotoc, nais nilang malaman ang status ng bawat proyekto at kung sino ang contractor ng mga ito.

Humingi rin ng tulong ang bise gobernador sa mga kongresista para mas mabilis na makuha ang listahan.

Sabi niya na maging ang mga in-house project ng pamahalaang panlalawigan ay dapat dumaan sa imbentaryo.

Dapat umanong tumulong ang hunta probinsiyal na tignan kung ano ang kalagayan ng mga proyekto ng pamahalaang panlalawigan dahil hindi lahat ng ito ay nakikita ng Gobernador dahil sa kanyang abalang schedule.

Samantala, aniya, sinusuportahan niya ang kahilingan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na ibalik ang karapatan ng mga Local Chief Executives na aprubahan ang mga proyekto ng DPWH bago ang pagpapatupad upang magkaroon ng check and balance.

Dagdag pa niya, hindi na dapat ito tinanggal dahil check and balance ang kailangan sa mga ganitong bagay.

Gayunman, sinabi ni Manotoc na hindi pa niya natutuklasan kung may mga proyekto sa lalawigan na kinontrata ng 15 government contractors na kabilang sa mga kontrobersyal na flood control projects.