-- Advertisements --

LAOAG CITY – Inihayag ni Atty. Carlos Isagani Zarate, dating Bayan Muna Representative na ang complainant ng impeachment kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na si Atty. Andre De Jesus ay dating abogado ni First Lady Liza Araneta-Marcos.

Dahil dito, nagtataka si Atty. Zarate kung bakit nagawa ito ni Atty. De Jesus na maghain ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos kahit papano may pinagsamahan naman sila.

Ayon sa kanya, kailangan munang dumaan sa House of Representatives ang impeachment complaint bago ito dinggin ng Senado.

Batay aniya sa 1-year bar rule, kung mayroong isang impeachment complaint na nakabinbin, hindi maaaring isampa ang isa pang impeachment complaint laban sa parehong impeachable official.

Paliwanag niya na marami ang nagsasabi na mahina ang impeachment complaint na inihain laban kay Pangulong Marcos.

Aniya, isa pang impeachment complaint laban sa Pangulo ang inaasahang ihahain ng civil society organizations at peoples organizations na posibleng i-endorso rin ng Makabayan Bloc.

Dagdag pa nito, hindi siya sang-ayon na isa sa mga basehan ng impeachment complaint laban kay Marcos ay ang paglalagay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court dahil naniniwala siyang naaayon sa Konstitusyon ang ginawa ni Marcos ukol dito.