Ipinag-utos na ni Tourism Secretary Christina Frasco sa regional offices na tanggalin ang tourism-related materials na mayroong imahe niya.
Bukod dito, iniutos din ng kalihim na huwag mag-produce ng anumang material na mayroong imahe niya.
Umapela rin ang kalihim sa mga lokal na pamahalaan na huwag maglagay ng mga tarpaulin na mayroong nakalagay na larawan niya sabay-giit ng kalihim na hindi siya tatakbo.
Nilinaw naman ng kalihim na ang mga materyales na mayroong nakalagay na mga larawan niya ay bilang welcome items na ipinamahagi nang bumisita siya sa ilang local officials.
Binigyang linaw din ng kalihim na walang direktiba mula sa kaniya o sa DOT na naguutos ng paglalagay sa kaniyang mga larawan sa mga tourist destination.
Ginawa ni Frasco ang pahayag isang araw matapos na punahin ni Senator Raffy Tulfo ang kalihim dahil sa umano’y pagpromote ng kaniyang sarili kesa sa local tourist destinations, bagay na itinanggi na ng kalihim sa pamamagitan ng paggiit na wala siyang planong tumakbo sa susunod na halalan.
















