Kinuwesyon ni Senator-Judge Raffy Tulfo ang umano’y hindi pantay na pagpapatupad ng two-minute speaking limit sa sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte nitong Miyerkules, Hulyo 22.
Nag-ugat ang usapin habang nagtatanong si Senator-Judge Robin Padilla sa House prosecution panel. Dito ay nagpahayag si Tulfo ng kanyang pagkadismaya, at iginiit na tila mas nabibigyan ng mas mahabang oras ang ilang senador kaysa sa iba.
Ayon kay Tulfo, agad umanong pinapatunog ang warning bell kapag siya ang nagsasalita, samantalang may mga senator-judge na nakapagsasalita nang lima hanggang sampung minuto bago maputol ang kanilang oras.
Agad namang nilinaw ni Senate impeachment court presiding officer Francis “Chiz” Escudero na walang “majority” o “minority” sa impeachment court dahil lahat ng miyembro ay nagsisilbing senator-judges.
Ipinaliwanag ni Escudero na may mga pagkakataong pinapayagan niyang magpatuloy ang isang senador upang matapos ang linya ng pagtatanong nito, tulad ng naunang ibinigay na karagdagang oras kay Senator Panfilo ”Ping” Lacson.
Gayunpaman, iginiit ni Tulfo na dapat ay pare-pareho ang pagpapatupad ng itinakdang oras upang matiyak ang patas na pagkakataon ng bawat senador na makapagtanong.
Bilang tugon, inatasan ni Escudero ang clerk of court na paalalahanan ang opisyal na nangangasiwa sa warning bell upang tiyaking pare-pareho ang pagpapatupad ng time limit sa lahat ng senator-judges.
Sinegundahan naman ito ni Senator-Judge Alan Peter Cayetano, na nagsabing mahalaga ang naging obserbasyon ni Tulfo. Gayunman, sinabi niyang naranasan na rin niyang maputol ng oras habang siya’y nagtatanong.
Sa halip na mahigpit na ipatupad ang dalawang minutong limitasyon, iminungkahi ni Cayetano na hilingin na lamang ng presiding officer sa mga senador na tapusin ang kanilang mga tanong kapag kinakailangan, upang maging mas maayos ang daloy ng paglilitis.
Samantala, ipinagtanggol ni Padilla ang haba ng kanyang pagtatanong. Ayon sa kanya, pawang mga tanong na masasagot lamang ng “oo” o “hindi” ang kanyang ibinabato at ang mahahabang sagot ng prosecution ang siyang kumukonsumo umano ng oras.
















