-- Advertisements --

Inalmahan ni Senator Raffy Tulfo ang naging pahayag ni Senator Pia Cayetano nitong Martes, Agosto 11, kaugnay ng hindi pa kumpletong membership ng ilang Senate committees.

Inakusahan kasi ni Tulfo si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na naaantala umano ang trabaho ng Senado dahil hindi pa nito inaaprubahan ang pagsali ng mga minority senator sa ilang komite.

Dahil dito ilang mahahalagang panukalang batas daw kabilang ang pagtatatag ng Department of Water, mga franchise bill, at panukala para sa reintegration ng mga overseas Filipino worker ay nakabinbin pa hanggang sa ngayon.

“I don’t know anong dahilan niya bakit niya hino-hostage ‘yung pagiging members ng kanyang kasamahan sa committee ko,” pahayag ni Tulfo.

Hindi naman ito nagustuhan ni Pia at sinabing: “Senator Tulfo, madali niyo naman akong tanungin, alam niyo namang kapatid ko si Alan kung may gusto kayong iparating. Huwag na ho kayo mag-drama ng pa-hostage hostage, hindi ho tayo ganito rito.”

Buwelta naman ni Tulfo na hindi siya kahit kailanman nagsinungaling at hindi nito ginagamit ang Senado para mag-grandstanding.

“Never po ako nag-drama dito. Simula nung ako’y maging senador, never ever po ako nagsinungaling o nag-drama rito,” tugon ni Tulfo.

“Sino ang nag-drama? Tumingin muna kayo sa salamin bago kayo magsalita,” dagdag niya.

Samantala, sinabi ni Senate President Sherwin Gatchalian na 32 Senate committees pa ang hindi ganap na nakakapag-convene dahil hindi pa kumpleto ang kanilang membership.

Sinabi naman ni Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri na makikipag-ugnayan siya kay Alan Peter Cayetano upang maresolba ang isyu.

Inaasahan ni Zubiri na maaayos ang usapin sa Miyerkules upang makapagpatuloy na ang Senado sa pagbuo ng committee membership.