Inalmahan ni Senate Committee on Labor and Employment Vice Chairperson Senador Raffy Tulfo ang inilabas na temporary restraining order ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152 laban sa implementasyon ng P85 dagdag sa arawang minimum na sahod sa Metro Manila.
Ang naturang TRO ay bunga ng petisyon ng Readycon Trading and Construction Corporation at R-11 Builders, Inc. na layong pigilan ang Regional Tripartite Wages and Productivity Board-NCR at National Wages and Productivity Commission sa pagpapatupad ng wage increase hanggang Agosto 13.
Matatandaan na ang P85 wage hike ay hinati sa dalawang yugto: ang unang P60 ay ipinatupad noong Hulyo 25, habang ang nalalabing P25 ay nakatakdang ipatupad sa Enero 1, 2027.
Ang wage hike ay bahagi ng regular na pagsusuri ng Regional Wage Boards na nakabatay sa patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at pangangailangan ng mga manggagawa.
Binigyang-diin ni Tulfo na labag sa Labor Code ang hakbang ng korte dahil malinaw na nakasaad sa Article 126 na walang hukuman o tribunal ang maaaring magpalabas ng injunction o TRO laban sa anumang proseso ng Regional Wage Boards. Para sa senador, ang naturang desisyon ay isang dagok sa kabuhayan ng mga manggagawa na umaasa sa dagdag-sahod upang maitawid ang kanilang pang-araw-araw na gastusin.
Sa kabila ng karapatan ng mga kumpanya na maghain ng petition for declaratory relief kung sa tingin nila ay agrabyado sila, iginiit ni Tulfo na dapat idaan ang apela sa tamang proseso sa National Wages and Productivity Commission.
Aniya, ang suspensyon ng wage hike ay mas malaking paglabag sa karapatan ng mga manggagawa, lalo na sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin.
Bilang tugon, nakatakdang maghain si Tulfo ng panukalang batas upang amyendahan ang probisyon sa Article 126 ng Labor Code, nang sa gayon ay malinaw na maipatupad ang mga wage hike at maiwasan ang pagkalito sa implementasyon ng batas na nakatuon sa kapakanan ng mga manggagawang Pilipino.















