Ikinatuwa ng Senate Impeachment Court at ng House prosecution team ang desisyon ng Supreme Court na ibasura ang tatlong petisyong kumukuwestiyon sa dalawang-katlong voting threshold para sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay impeachment court spokesperson Atty. Reggie Tongol, ibinasura ng Korte Suprema ang mga petisyon nina Victor Rodriguez, Berteni Causing, at Atty. Ernesto Francisco Jr. dahil sa kawalan ng legal standing at pagiging premature ng mga ito.
Binigyang-diin ni Tongol na pinagtitibay ng naging desisyon ang independence ng Senado bilang isang impeachment court.
Dahil dito, mananatiling umiiral ang ruling noong Setyembre 23 kung saan ipinasiya ng korte na ang pariralang “all members of the Senate” ay tumutukoy lamang sa mga senador na legal at aktuwal na makalalahok sa botohan.
Matatandaang 13 senador ang bumoto pabor sa pagbabago ng interpretasyon sa 16-vote threshold habang si Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang nag-iisang tumutol at anim na senador ang nag-abstain.
Pahayag naman nina Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon at Akbayan Rep. Chel Diokno mula sa House prosecution, malugod nilang tinatanggap ang desisyon dahil nagbibigay ito ng malinaw na direksyon para sa pagpapatuloy ng paglilitis.
Idinagdag nina prosecution spokespersons Robert Ace Barbers at Zia Alonto Adiong na makatutulong ang ruling upang maipagpatuloy at makumpleto ng prosecution ang presentasyon ng kanilang mga ebidensya at pagtatanong sa mga testigo.
Iginiit din ni Ridon na dapat nang magpatuloy ang proseso hanggang sa pinal na paghatol upang ang Senate Impeachment Court mismo ang magpasya batay sa mga ebidensyang iniharap sa mga senator-judge.










