-- Advertisements --
Screenshot 2021 01 23 09 23 37

KALIBO, Aklan – Sa kauna-unahang pagkakataon, nakapagtala ang isla ng Boracay ng 15 kumpirmadong kaso ng Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).

Ang mga pasyente ay kapwa empleyado ng isang hotel sa isla.

Inihayag ni Dr. Cornelio Cuatchon Jr. ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan na bahagi ito ng kanilang isinagawang dalawang araw na mass testing sa lahat ng mga empleyado sa Boracay.

Aniya, mahigit 436 ang kabuuang bilang ng kanilang isinailalim sa swab test.

Lumabas umano ang mga resulta kahapon ng tanghali at walo sa mga ito ang unang nagpositibo at pito naman kinagabihan.

Sa ngayon ay mahigit 60 swab test results pa ang kanilang hinihintay.

Dahil dito, nagpalabas na umano ng rekomendasyon ang Aklan Provincial Epidemiology and Surveillance Units (PESU) para sa pansamantalang suspensiyon ng operasyon ng naturang hotel upang mabigyan daan ang disinfection.

Nagsawa na rin umano sila ng contact tracing at inabisuhan din ang hotel manager na isailalim sa repeat swab ang mga empleyadong magkakaroon ng sintomas.

Sa kasalukuyan ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng PHO-Aklan kung saan nakuha ng mga empleyado ang deadly virus.